Photo by Christopher King/Team Loyola
Wala namang baliw na gustong pumadyak sa ulan, pero dahil hindi rin laging maiiwasan ang pagkakataon ito ang ilan sa mga paalala kapag kailangang lumusong:
Relax pa rin
Mainam na mag-ingat kapag pumapadyak sa ulan lalo na’t madulas talaga ang basang kalye, pero hindi rin dapat maging masyadong stressed na iba na ang galaw natin. Dapat relax lang kahit dagdag ingat.
Iwasan ang mga pintadong bahagi ng kalye
Kung madulas ang basang kalye, masmadulas pa ang mga pintadong bahagi ng daan. Madulas din ang mga bakal na tawiran, at pinakamadulas ang lumot!
Huwag gigil sa brake
Delikado ang bigblang pag-preno kapag basa ang kalye dahil maaaring dumulas ang goma ng gulong natin. Magmenor kapag maraming kotse, intersection, o tao sa dinadaanan, at huwag pumreno habang paliko.
Babaan nang kaunti ang tire pressure
Mas makapit ang goma ng bike kapag bawas ang tire pressure dahil mas malaking bahagi ng goma ang nadidikit sa kalye kapag malambot ito. Pero dapat ding pag-experimentuhan kung anong tire pressure ang kaya ng bike bago ito ma-flat.
Iwasan ang mataas na baha
Delikado ang baha kapag hindi na makita ang kalyeng dinadaanan dahil maraming lubak at kanal na bukas sa atin. Malaking pinsala din ang paglublob ng hubs at bottom bracket ng bisikleta sa bearings nito.
Magbaon ng plastik
Minsan parang nanggugulat ang ulan kaya dapat laging handa! Ilagay sa loob ng supot ang mga mahahalagang bagay tulad ng cellphone at wallet; at puwedeng gamiting bag cover ang garbage bag kapag lulusong sa ulan.
Umiwas din sa gutter o gilid ng kalye
Delikado ang gutter o gilid ng daan dahil dito naiipon ang mga kalat ng kalye at maaaring makadulot ng flat; at minsan dito rin ang mga bukas na kanal na maaaring maka-disgrasya!
Gamitin ang safety light o taillight ng bike
Dahil mas mahirap makakita habang umuulan, mainam na tulungan ang ibang mga tao sa kalye sa pamamagitan ng paggamit ng ilaw. Magandang i-ON ang taillight lalo na kung may daylight mode ito.
TIP: Siguraduhing kumpleto ang kagamitan na iyong dala para sa bawat ride
May tips ba kayo sa pagpadyak sa ulan na hindi namin nabanggit? I-share natin sa comments!
Leave a Comment