Tuwing weekend, maraming siklista ang tumutungong silangan para kumawala sa ingay, traffic, at kung anu-anong kaguluhan sa Metro Manila. Karamihan ng mga siklistang ito ay mga weekend warriors na tuwing Sabado’t Linggo lamang nakakapadyak, mga nag-eensayo para sa mga darating na karera, o mga bikers na ang tanging hanap ay ang sariwang simoy ng hangin, exercise, o simpleng pasyal lang. Kahit ano pa mang uri ng siklista, hindi maikakailang masarap tumungong Silangan (East) papuntang Antipolo at iba pang lugar sa Rizal para magbike. Narito ang sampung destinasyon o rutang maaaring subukan ng mga nais magride sa Rizal.
TIP: Maging handa para sa biyahe gamit ang napakadaling recipe ng Banana Peanut Butter Smoothie
Hinulugang Taktak
One-way distance and elevation: 16km, 230m
Kung mag-uumpisa mula sa Katipunan ave., Quezon City , kailangan pumadyak ng mga 16km via Marcos Highway at Sumulong Highway upang makarating sa Hinulugang Taktak. Maraming pumupunta dito tuwing Sabado at Linggo upang kumain ng lomi at iba pang masasarap na pagkain sa mga maliliit na tindahan sa may Hinulugang Taktak. Medyo magiging challenging nga lang para sa mga casual riders ang pag-akyat sa Antipolo dahil may kahabaan ang akyatan sa Sumulong highway kaya dapat tamang pacing lang at mag-ingat, lalong-lalo na kapag bababa at babalik pa sa QC.
Antipolo Cathedral
One-way distance and elevation: 16km, 270m
Marami-rami rin ang pumupunta sa Cathedral upang dumalaw sa Birhen ng Antipolo at sa Antipolo Cathedral. Nandito kasi ang shrine ng Birhen, na patron din ng mga manlalakbay. Kaya naman tanyag ang Cathedral na puntahan ng mga nagpapa-bless ng sasakyan, kasama na ang mga bisikleta. Ang Cathedral ay napapaligiran din ng mga gotohan at lomihan na dinudumog din ng mga deboto.
Boso-boso
One-way distance and elevation: 21km, 360m
Kung didiretsuhin naman ang Marcos Highway papuntang Cogeo, Antipolo, makararating ka sa Boso-boso, o bandang Cabading. Ito ang unang mountain peak o tuktok sa direksyong ito, kaya marami rin ang mga bikers na dito ang tungo at turnaround point. Marami ring tindahan at kainan dito kaya mainam na magpahinga, chumibog, o bumili ng tubig o buko juice at pang-baon kung nais mong magride nang mas malayo pa. Ngunit higit sa lahat, nasa Boso-boso ang isa sa pinakamagandang tanawin na sapat nang gantimpala pagkatapos ng mahaba-habang akyatan!
Palo Alto
One-way distance and elevation: 30km, 490m
Pagbaba mula sa kabilang dako ng Boso-boso, mararating naman ang tanyag na Mang Vic’s Bulaluhan. Tuwing weekends, dinudumog ito ng mga taong nais mag-bulalo pang almusal! Kapag dineretso pa ang daang ito, kapansin-pansing kakaunti na lang ang mga sasakyan dahil karamihan ng jeep ay hanggang Cogeo na lamang, at lalagpasan mo pa ang kahuli-hulihang bayan papuntang Sierra Madre. Sa Palo Alto naman minsan matatagpuan ang Feed Zone, isang food stop na kung saan maaaring bumili ng inumin, merienda, at doon na rin kumain. Kung didiretsuhin pa, makararating ka sa Garden Cottages. Marami rin ang nagra-ride dito dahil tunay na sariwa ang hangin at magaganda ang tanawin!
Mt. Tarangka a.k.a. ‘Radar’
One-way distance and elevation: 35km, 770m
Marami-raming bikers na sa Garden Cottages ang turnaround point dahil medyo matirik na ang akyatan pagkatapos doon. Ngunit, kung ikaw ay bitin pa sa ahunan , maaari mong tahakin at subuking umakyat hanggang Radar – ang pangalawang mountain peak papuntang Sierra Madre. Apat na kilometro na lang ang layo nito mula sa Garden Cottages, ngunit mas matindi ang akyatan dahil umaabot sa 7% ang gradient paakyat. Pagdating sa Radar, iisa lamang ang tindahan at kainan – ang Mt. Tarangka Coffee Shop – kung saan maaaring magpahinga, kumain, at magkarga ng tubig. Paalala lamang na kadalasan tuwing Linggo, marami-rami ring motorcycle groups ang nagra-ride dito kaya karagdagang pag-iingat ang kailangan.
[Ang mga destinasyong nabanggit sa itaas ay mga rutang maaaring gawin kung nais mong magride nang half-day lamang. Ang mga sumusunod na destinasyon ay para sa mga naghahanap ng extra challenge, at may oras na magride nang halos buong araw kasama ang breaks o pahinga.]Sierra Madre Hotel
One-way distance and elevation: 44km, 1,020m
Pagkatapos ng Radar, iisa na lamang ang natitirang tuktok o mountain peak – Sierra Madre Hotel. Kapag Nakita mo na ito, maaari ka nang magdiwang, magselfie, at ipagyabang sa iyong social media pages na naakyat mo na ang Sierra Madre Hotel dahil tunay na kagilagilalas ang iyong lakas o tiyaga upang marating ang isa sa mga tuktok ng bulubundukin ng Sierra Madre nang nakabisikleta! Kung nais mong kumain, maaaring kumain sa hotel, sa mga tindahan at bukohan, o kaya naman ay sa Café Katerina, na dinudumog din ng mga weekend riders ng bisekleta at motorsiklo.
Pisong Kape (PK)
One-way distance and elevation: 44km, 410m
Maaaring makarating sa PK via Sierra Madre – bababa lamang papuntang Sampaloc, Tanay, tapos kaliwa papuntang PK, Pililla (One way: 70km). Maaari rin namang tahakin ang shortcut via Sumulong Highway-Antipolo-Teresa-Morong-Tanay-Pililla na 44km lamang mula QC. Ang PK na yata ang pinakatanyag na destinasyon sa silangan dahil tuwing weekends, talaga namang pinupuntahan ang mga kainan dito ng mga siklistang nagmula pa sa kung saan-saang lugar.
Bugarin
One-way distance and elevation: 53km, 730m
Mula PK, maaari kang dumiretso (pakaliwa sa isang fork) papuntang Pililla Windmills sa bundok ng Bugarin. May kataasan ang tuktok ng Bugarin ngunit malumanay naman ang akyatan dito. Maganda rin ang mga tanawin lalo na’t kapag natatanaw mo na nang may kalapitan ang mga puting windmills na dinadayo rin ng ibang mga turista. Kakaunti na lamang ang mga siklistang tumutuloy sa Bugarin dahil medyo challenging ang akyatan dito lalo na pagkatapos ng mahabang biyahe mula QC. Ngunit kung naghahanap ka pa ng hamon, talagang sulit ang pag-akyat sa bundok na ito dahil sa ganda ng tanawin sa itaas!
Jala-jala
One-way distance and elevation: 57+km, 440m
Kung pipiliin namang tahakin ang kanan o diretsong daan mula sa nabanggit na fork, makararating ka sa iba’t ibang bayan ng Rizal, patungong Jala-jala. Karamihan ng kalsada sa rutang ito ay flats na may paminsan-minsang rolling hills. Masarap din magride dito dahil sa sariwang hangin, mga kalsadang natatakluban ng mga naglalakihang puno sa tabi ng daan, at kasaganahan ng bilang ng mga tindahang maaaring pagkunan ng tubig, pagkain, o pahinga kung biglang kailanganin. Sa daang ito rin maaaring makita ang Laguna de Bay nang malapitan!
Kung nais mong daanan ang halos lahat ng destinasyong nabanggit sa itaas, at magride ng gran fondo, maaari kang mag Sierra Madre Loop. Dalawa ang ruta o direksyon na maaari mong pagpilian – 1) Mula QC, aakyat via Sumulong Highway, bababa sa Teresa, didiretso nang Morong, kakaliwa sa Tanay papuntang Sampaloc, kung saan kakaliwa muli papuntang Sierra Madre. Medyo matarik ang akyatan papuntang Sampaloc, ngunit mas malumanay naman ang akyatan pabalik sa Sierra Madre, Radar, at Boso-boso, Antipolo. 2) Maaari rin tahakin ang kabilang direksyon kung saan imbis na unang umakyat sa Sumulong Highway, didiretsuhin ang Marcos Highway at uunahing akyatin ang Sierra Madre. Yun nga lang, ang kahulihulihang hamon ay ang matarik na akyatan sa Teresa. Tip: Maaring iwasan ang Teresa kung dadaan sa longcut via Binangonan, Angono, at Taytay pabalik sa QC!
Sa pangkalahatan, talagang masarap magbike pasilangan dahil kakaunti lang ang traffic, sariwa ang hangin, maraming kainan, at maraming bundok na talagang susubukin ang iyong kakayanan sa bisekleta. Sampu lamang ito sa mga paborito kong puntahan o ruta tuwing weekends. Ikaw, saan ang mga paborito mo?
Leave a Comment